Mga gustong matutong magmaneho, puwedeng mag-practice sa bagong pasilidad sa LTO
Mayroong dalawang bagong malalaking pasilidad ang Land Transportation Office (LTO).
Sa pagdiriwang ng ika-110th Anniversary ng ahensya, pinasinayaan din ang Information Technology (IT) Training Hub at Road Safety Inter-Active Center (RSIC) nito.
Ayon sa LTO, ang IT Training Hub at RSIC ay inaasahang makapagpapatibay pa sa serbisyo ng LTO.
Pinangunahan ni DOTr Sec. Arthur Tugade ang inagurasyon sa dalawang pasilidad.
Sa RSIC may iba’t ibang driving simulators para sa manual, automatic at 2-wheel motor vehicles, may 4D mini theater, at interactive games.
Ang mga gustong matutong magmaneho ay maaring mag-ensayo sa RSIC.
Matututo rin sila ng mga road safety measures at tamang kultura sa daan.
Sentro naman ng IT Training Hub ang web-based core system at data center at dash camera system kung saan aktuwal na makikita at mamomonitor ang mga nangyayari sa kalsada 24/7. (DDC)