Bayanihan E-Konsulta project ng OVP hanggang May 31 na lang
Hanggang May 31, 2022 na lang maaaring mai-avail ang libreng serbisyo ng Bayanihan E-Konsulta (BEK) ng Office of the Vice President.
Sa inilabas na abiso sa Facebook Page ng Bayanihan E-Konsulta, pinasalamatan ang lahat ng nakiisa sa inisyatibo upang makapaghatid ng kinakailangang tulong medikal sa mamamayan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Pinasalamatan ang mga volunteer doctors, nurses, at iba pang medical professionals, pati na rin sa mga non-medical volunteers na naglaan ng kanilang oras at kakayahan para maging matagumpay ang programa.
Pinasalamatan din ang iba pang nakatuwang para makarating sa mas marami pa ang Bayanihan E-Konsulta.
Ang nasabing proyekto ay nagbibigay ng libreng konsultasyon sa mga nangangailangan ng tulong medikal.
Naging malaking tulong ang Bayanihan E-Konsulta lalo na noong mga panahong kasagsagan ng maraming kaso ng COVID-19 at hindi makalabas para makapagpa-check up ang mga taong may karamdaman. (DDC)