Kapitan ng nasunog na MV Mercraft 2 nasa kostodiya na ng PCG; imbestigasyon sa insidente uumpisahan na
Sisimulan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang imbestigasyon sa insidente ng sunog na naganap sa isang RoRo vessel sa Real, Quezon kahapon (May 23).
Ayon kay PCG spokesperson Armand Balilo, nasa kostodiya na ng PCG ang kapitan ng MV Mercraft 2.
Kinilala itong si John Lerry Escareces.
Sinabi ni Balilo na nais ng Department of Transportation (DOTr) na maimbestigahan ang lahat ng anggulo sa insidente para matukoy kung ano ang pinagmulan ng apoy.
Magsasagawa din ng parallel investigation ang Maritime Industry Authority.
Sa pahayag ng ilang nakaligtas sa sunog, may narinig muna silang pagsabog bago sumiklab ang apoy.
Kabilang sa nasawi sa nasabing sunog ang ina ng kapitan ng barko, habang ligtas naman ang kaniyang ama na kasama rin sa biyahe. (DDC)