2nd booster para sa senior citizens, health workers, sisimulan na ayon sa Las Piñas LGU
Inanunsyo ng pamahalang lungsod ng Las Piñas na sa Lunes na (May 23, 2022) sisimulan ang pagbibigay ng second booster shot laban sa covid-19 para sa mga Senior Citizens at mga Health workers ng lungsod.
Dahil dito, pinulong ni Vice Mayor April Aguilar nitong biyernes ang mga doktor ng City Health Office na pinamumunuan ni Dra. Julie Gonzalez upang mailatag ang magiging paghahanda ng lungsod.
“Inalam ko mabuti ang pamamaraan sa pagbabakuna ng 2nd booster”, ayon kay Vice Mayor Aguilar.
Binigyan diin nito na nais nila ni Mayor Mel Aguilar na maipaabot at maipaliwanag din ng maayos sa lahat ang mga dapat malaman upang mawala ang pag-aalinlangan ng ating mga kababayan.
Iminungkahi rin ni Vice Mayor Aguilar na magbubukas muli ang community sites sa Verdant Covered Court, Golden Acres Covered Court, Almanza Uno Covered Court, San Antonio Covered Court, Bambusetum Covered Court, Gatchalian Covered Court at T.S Cruz Covered Court bilang karagdagang vaccination sites na gagamitin sa 2nd booster shot.
Sabi pa ni niya na ang mga A1 at A2 na maaari ng mabigyan ng 2nd booster ay makakatanggap ng text message upang malaman ang lugar at oras ng kanilang bakuna.
Maliban dito,pinaghahandaan din ng lokal na pamahalaan ang Chikiting BakuNation na isasagawa sa May 30 hanggang June 10, 2022 sa buong Metro Manila kabilang ang Las Piñas.
Aniya target ng programang ito na makapagbakuna ng mga sanggol na may edad mula 0 hanggang 23 buwan na gulang. Ang mga bakunang maaaring ibakuna sa mga sanggol ay ang mga sumusunod: BCG o bakuna kontra TB, Penta-hib o 5in1, Oral Polio at bakuna kontra tigdas.
“Upang mas mabilis na maipaabot sa mga magulang na may anak tulad sa nasabing edad, inatasan ni Vice Mayor ang City Health na gawing bahay bahay ang pagbabakuna kung saan ang mga tauhan at medical staff ng bawat barangay health center ang magsasagawa nito sa kani-kanilang mga nasasakupan”, saad ng bise alkalde.
Hinihikayat naman ng pamahalaang lokal ang lahat na makiisa sa mga programang pangkalusugan ng lungsod na siyang makakapagdagdag kaligtasan at iwas sa mga sakit na maaaring kumalat sa panahong ito. (Noel Talacay)
Pero paalala nina Mayor at Vice Mayor Aguilar na palaging mag-ingat at panatilihin ang disiplina sa lahat ng oras.