Kondisyon ni Kris Aquino threatening na
Ibinunyag ni Kris Aquino na life-threatening na ang kaniyang kondisyon at lumala ang kaniyang sakit.
Sa kaniyang post sa Instagram, itinanggi ni Kris ang mga naglalabasang balita na siya ay isinugod sa ICU at malubha ang kaniyang kondisyon.
Pero ayon kay Kris, utang niya sa mga nagdarasal para sa kaniya ang katotohanan tungkol sa kaniyang kalagayan.
Ayon kay Kris, mayroon siyang tatlong autoimmune conditions. Ito ay ang chronic spontaneous urticaria, autoimmune thyroiditis, at vasculitis.
Sinabi rin ni Kris na kailangan niyang makaalis ng bansa sa lalong madaling panahon para makapagpagamot.
Sinabi ni Kris na patuloy ang ugnayan ng kaniyang mga doktor dito sa Pilipinas at mga doktor niya sa Houston, Texas.
Ilang beses na aniyang sinubukan na makaalis siya patungong Houston.
Ang gamot kasi na kailangang ibigay sa kaniya ay hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) dito sa Pilipinas o sa Singapore.
Sa huli umapela si Kris na alang-alang sa kaniyang mga anak ay iwasan na ang pag-post ng mga negatibong komento sa kaniyang IG.
“Not for my sake, pero for my 2 sons, 1 in the autism spectrum & 1 only 15- kung balak nyo pong mambastos or mag comment ng masakit o masama, sa mga sarili nyo na lang pong IG, FB, or chat group sana gawin. Hindi nyo po ako kailangan gustuhin para magpakatao… please don’t punish kuya & bimb for being my sons. Hindi po masama ang maglakas ng loob at magsabi ng sobrang bigat na katotohanan,” hiling ni Kris sa kaniyang mga basher. (DDC)