Guro na maninilbihan sa eleksyon sa Negros Occidental nasawi sa pamamaril
Mariing kinondena ng Department of Education (DepEd) ang insidente ng pamamaril sa isang guro mula Himamaylan National High School sa Negros Occidental na nakatakdang manilbihan sa 2022 National and Local Elections.
Ayon sa DepEd, hindi pa naman malinaw kung may kaugnayan sa eleksyon ang naganap na pamamaril.
Kasabay nito ay nagpaabot ng pakikiramay ang DepEd sa naulilang pamilya at kaibigan ng biktima.
Inatasan naman ni DepEd Sec. Leonor Briones ang Office of the Undersecretary for Finance na magbigay ng tulong pinansyal at iba pang kinakailangang suporta para sa nasabing guro at ng kanyang pamilya.
Nakikipagtulungan na din si DepEd Election Task Force Chair at Undersecretary Alain Del Pascua sa mga kaugnay na field offices at local officials upang imbestigahan ang insidente.
Nanawagan ang DepEd sa Philippine National Police at sa Armed Forces of the Philippines na protektahan ang mga guro, poll workers, at mga botante. (DDC)