Mahabang pila, pumalyang VCM ilan lamang sa mga naranasang problema sa pagbubukas ng botohan
Pormal nang nagbukas ang mga polling precincts sa bansa para sa 2022 national ang local elections.
Maaga pa lamang dagsa na sa mga presinto ang mga botante para maagang makaboto.
Dahil dito ay maaga ring humaba ang pila sa mga polling places.
May mga presinto namang nakaranas ng pagpalya ng Vote Counting Machines.
Sa kaniyang Facebook ibinahagi ni Bong Nebrija ng Metropolitan Manila Development Authority ang naranasang problema sa Proj. 3 Elementary School.
Sinabi ni Nebrija na corrupted ang SD card sa Cluster Precinct No. 772.
Inalok aniya ang mga botante na lumagda sa waiver kung saan sila ay makaboboto subalit hindi na sila ang magpapasok ng kanilang balota sa VCM.
Ayon kay Comelec acting spokesperson John Rex Laudiancgco, sa Cotabato City may natanggap din silang report na may nag-hang na VCM pero itinuloy ang pagbubukas ng polling precinct habang tinutugunan ng kanilang technical team ang problema.
Hanggang kagabi, may isang bayan sa Oriental Mindoro at isang bayan sa Northern Samar ang hindi nakatapos ng kanilang final testing ng VCM.
Pero ayon sa Comelec ngayong umaga 99.95 percent na ng mga polling precincts ang nakumpleto ang VCM testing at sealing. (DDC)