Mahigit 647,000 na DepEd personnel handa na para sa May 9 national and local elections
Handa na ang mahigit 647,000 na teaching and non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) na maninilbihan sa 2022 national and local elections.
Sa datos mula sa DepEd, sa mahigit 756,000 na poll workers na itatalaga sa lahat ng polling places sa bansa, 647,812 ao 90 percent ay pawang mula sa DepEd.
Sila ay ipakakalat sa 37,209 polling places sa buong bansa.
Sa update ng DepEd Election Task Force (ETF) sinabi ni DepEd Usec. Alain Pascua, sa nasabing bilang, 319,317 ay magsisilbing mga miyembro ng Electoral Boards, 200,627 ay Electoral Board Support Staff, 38,989 ang DepEd Supervisor Official, 87,162 ang DESO Support Staff, at 1,717 ay pawang miyembro ng DepEd Board of Canvassers.
Narito naman ang halaga ng honoraria na tatanggapin ng mga tauhan ng DepEd na maninilbihan sa eleksyon:
Electoral Board Chairman – P7,000
Electoral Board Members – P6,000
DESO – P5,000
Support Staff – P3,000
Transportation Allowance – P2,000
DESO/DESO Technical Support Staff Communication Allowance – P1,500
Ang honoraria para sa mga DepEd personnel ay matatanggap nila hindi lalagpas ang 15-araw makalipas ang eleksyon.
Maliban sa honoraria, may iba pang benepisyo at allowance na nakalaan para sa mga maninilbihang DepEd personnel.
Kabilang dito ang travel allowance at anti-COVID allowance para sa chairman at member ng electoral board, DESO, Support Staff at DESO Technical Support Staff. (DDC)