NTC inatasan ang mga telco na suspendihin ang kanilang repair at maintenance works
Pinasususpinde muna ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga naka-schedule ng network repairs at maintenance works ng mga telecommunications companies.
Sa inilabas na memorandum ng NTC, inatasan ang mga telco at iba pang service providers na huwag munang magsagawa ng repairs at maintenance hanggang sa May 14, 2022.
Sinabi ng NTC na napakahalaga at kritikal ng telecommunications services para sa eleksyon.
Ayon sa NTC, ang resulta ng Automated Election System (AES) ay electronically na ita-transmit kaya dapat stable ang serbisyo ng internet at iba pang uri ng telecommunications.
Kabilang sa inaatasan sa nasabing memo ang lahat ng Public Telecommunication Entities (PTEs), Internet Service Providers (ISPs), Value Added Service Providers (ASPs) at Satellite Service Providers (SSPs).
Kung mayroong mahalagang repair at maintenance work na hindi puwedeng ipagpaliban, sinabi ng NTC na kailangan muna itong ipabatid sa ahensya at ipaliwanag ang “nature of emergency”, impact sa serbisyo ng gagawing repair, at timeline para sa restoration. (DDC)