COVID-19 vaccine gagawing available sa mga paaralan
Magiging available na ang COVID-19 vaccines sa mga batang 5 hanggang 11 gulang sa mga paaralan, lalo na’t mahigit 50 porsyento ng public schools sa bansa ay nagbukas na muli para sa face-to-face classes.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na isasagawa ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa pediatric population, sa infirmary o clinic ng mga paaralan.
Aniya, gaya sa nakalipas, ay binabakunahan sa clinic ng mga eskuwelahan ang mga mag-aaral laban sa tigdas at polio.
Samantala, inihayag naman ni Presidential Adviser on COVID-19 Response Vince Dizon na naglabas ng direktiba si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. para sa availability ng mga bakuna sa mga eskuwelahan.
Ayon kay Dizon, mayroon pang 10 milyong COVID-19 vaccine doses na natitira ang pamahalaan para sa pediatric population na mabilis na maide-deploy sa mga paaralan. (Infinite Radio Calbayog)