DepEd binalaan ang mga guro at non-teaching personnel sa pakikilahok sa electioneering at partisan political activities
Nagbabala ang Department of Education (DepEd) sa lahat ng mga opisyal, guro, at non-teaching personnel hinggil sa pakikilahok sa electioneering at pagsasagawa ng partisan political activities kaugnay sa 2022 National at Local Elections.
Patuloy ang paalala ng DepEd sa mga empleyado nito patungkol sa pagbabawal sa pagsali sa anumang electioneering at political partisan activities na nakasaad sa Saligang Batas at alinsunod sa mga umiiral na mga alituntunin at regulasyon ng Civil Service Commission (CSC) at ng Commission on Elections (COMELEC).
Binigyang-diin sa DepEd Order No. 48, series of 2018 (Prohibition on Electioneering and Partisan Political Activity) at sa kalakip nitong CSC Resolution ang mga listahan ng ipinagbabawal na gawain at hindi kasamang mga aktibidad.
Naglabas din Office of the Undersecretary for Field Operations ng DepEd ng office memorandum na naka-address sa lahat ng field officials at personnel na inuulit ang mga umiiral na polisiya ng gobyerno at ng DepEd hinggil sa electioneering at partisan political activities.
Kamakailan, binisita ng Election Task Force (ETF) na pinangunahan ni DepEd Usec. Alain Del Pascua ang lahat ng mga rehiyon at dibisyon upang magsagawa ng briefings para sa mga guro at kawani ng DepEd, at paalalahanan sila laban sa electioneering at partisan politics.
Ayon sa DepEd, ang kabiguang sumunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon ng DepEd, Comelec at CSC ay may karampatang aksyong administratibo alinsunod sa DepEd Order No. 49, s. 2006 o Revised Rules of Procedure of the Department of Education in Administrative Cases, Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service, at sa Omnibus Election Code. (DDC)