Kerwin Espinosa binawi ang mga nauna niyang testimonya vs Sen. Leila de Lima

Kerwin Espinosa binawi ang mga nauna niyang testimonya vs Sen. Leila de Lima

Binawi ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang lahat ng kanyang mga pahayag na nagsasangkot kay detained Senator Leila De Lima sa kalakaran ng ilegal na droga.

Sa kanyang counter-affidavit na isinumite sa Department of Justice (DOJ) binawi ni Espinosa ang mga sworn statements niya sa pagharap niya sa mga idinaos na Senate Joint Committee Hearings.

Sa kanyang nagging testimonya noon sa senado, idinawit ni Kerwin sa kalakalan ng ilegal na droga si De Lima at sinabing tumanggap ang senador ng drug money mula sa kaniya.

Subalit sa kanyang salaysay ngayon sa DOJ, sinabi ni Kerwin na ginawa niya ang naunang testimonya sa senado dahil pinuwersa at pinagbantaan umano siya ng mga pulis.

Natakot umano siya sa maari niyang sapitin at ng kaniyang pamilya lalo pa at napatay na sa kulungan ang kaniyang ama na si dating Albuera, Leyte Mayor Roland Espinosa Sr.

Noong 2016, ibinunyag ni Espinosa na kasabwat umano si De Lima sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison sa panahon na nakaupo ang senador bilang justice secretary sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.

Ayon pa kay Espinosa nagbigay siya ng P8 milyong piso bilang senatorial campaign contribution kay De Lima na tinanggap umano ng dating driver ng mambabatas na si Ronnie Dayan.

Idinahilan ni Espinosa sa counter-affidavit na wala siyang choice noon kundi ang mag-imbento ng testimonya laban kay De Lima dahil sa pangamba para sa kaniyang buhay at sa kaniyang pamilya.

Idinagdag ni Espinosa na sinabihan siya na makisama upang hindi sapitin ng kaniyang pamilya ang nangyari sa kaniyang ama.

Sa tatlong kaso na isinampa laban kay De Lima, isa na ang ibinasura ng Muntinlupa Court. (Infinite Radio Calbayog)

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *