Cosmetic brand inalmahan ang testimonya sa korte ng aktres na si Amber Heard sa kasong isinampa ni Johnny Depp
Laman ngayon ng social media ang pagharap sa korte ng dating mag-asawa na sina Amber Heard at Johnny Depp.
Dinidinig ng korte ang defamation case na isinampa ni Depp laban sa dating misis na si Heard.
Sa isa sa mga pagdinig sa kaso, iprinisinta ng abogado ni Heard ang concealer product ng “Milani”.
Ayon sa abogado, ang nasabing produkto ang ginagamit ni Heard para maitago ang mga pasa sa kaniyang mukha na dulot ng pananakit sa kaniya ni Depp sa pagitan ng 2014 hanggang 2016.
Ipinakita pa ng abogado ni Heard ang mismong produkto sa korte.
Sa pamamagitan ng video sa Tiktok, pinabulaanan ng “Milani” ang pahayag na ito ng kampo ni Heard.
Ayon sa “Milani”, ang nasabing produkto na tinutukoy ng kampo ni Heard ay taong 2017 lamang nailunsad.
Nag-ugat ang pagsasampa ng kasong defamation ni Depp kay Heard makaraang mag-publish ng pahayag si Heard sa The Washington Post noong 2018 kung saan sinabi nitong nakaranas siya ng pangmamaltrato noong kasal pa sila ng aktor.
Pero ayon kay Depp, si Heard ang “wife beater” at hindi lamang emosyinal na pang-aabuso ang dinanas niya dito kundi maging pisikal na pananakit. (DDC)