Video tape ni Joma Sison na ini-endorso si Robredo, hindi na kailangan ng paliwanag – Lacson
Naniniwala si Senador Panfilo Lacson na hindi na kailangan nang paliwanag ang video ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Joma Sison na ini-endorso ang kandidatura sa pagka-pangulo ni Vice President Leni Robredo.
Reaksyon ito ng presidential candidate nang tanungin siya tungkol sa deal sa pagitan nina Robredo at Sison makaraang napanood ang naturang video.
“Recently, they denied na. Of course, nag-disclaim din si Joma Sison na hindi siya nag-act na adviser. Pero I came across a video taped message ni Joma Sison himself endorsing, strongly endorsing the tandem of Vice President Robredo and Kiko Pangilinan very clear doon… Sabi nga natin diba res ipsa loquitur– the thing speaks for itself,” sabi ni Lacson sa isang news conference sa Tarlac.
“Naandon mismo sa tape. So, that says a lot kasi kung heavily endorsed. Ang hindi natin alam what happens in between or what happens behind the scene bakit sila ang ine-endorse ni Joma Sison,” dagdag pa niya.
Tinanong din si Lacson kung ano ang maaring dahilan sa likod ng umano’y pagsuporta ni Sison sa bise presidente.
“Ano bang deal kung meron man? Kung wala, well and good. Pero kung meron, ‘yun ang masama na naman. We cannot move forward anymore kasi effective na nga ang ginagawa ng present administration to end the five-decade old insurgency problem eh baka mag-fallback na naman tayo, baka magkaroon ng retrograde movement along this line,” tugon ng senador.
Noong Linggo ay tinawag ni Robredo na fake news ang report na inilathala noong Huwebes kung saan tinukoy si Sison bilang kanyang adviser at sa kanyang pangangampanya para sa Halalan 2022.
Naglabas din ng statement ang CPP leader noong Biyernes na nagsasabing walang katotohanan ang naturang report.
“I have not been advising Leni Robredo although I think that she is a far more qualified candidate for president than Ferdinand Jr. who has no qualification but to campaign with too much money from the bureaucratic loot of the late unlamented fascist dictator, Ferdinand Sr.,” saad ni Sison na naka-post sa kanyang website.
“I have not been consulting with Barry Gutierrez, the spokesman of Robredo,” dagdag pa nito.
Sa bahagi naman ng running-mate ni Lacson, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III, na hindi na siya nasorpresa, subalit hindi na siya nagpaliwanag pa.
Nilinaw ni Lacson na wala namang masama sa hindi pag-sang-ayon sa gobyerno subalit hindi ito dapat samahan ng armadong pakikibaka.
“Hindi naman kami against doon sa… dissent against the government… basta hindi armed aggression ang ginagamit. After all, may freedom naman tayo ng choice natin kung ano ang gusto nating paniwalaan sa sarili natin,” sabi pa ni Lacson.
“Pero kapag hinaluan mo na ng armed component, armed struggle, ibang usapan na yun. In fact, the fact that you are being endorsed by a terrorist group, a designated terrorist group, designated by the United Nations Security Council and then validated by our own Anti-Terrorism Council so yun ang tinitignan nating problema,” dagdag pa niya.
Una nang nagpahayag si Lacson ng pagkabahala noong Marso hinggil sa umano’y pagpasok ng mga rebeldeng komunista sa ilang campaign rallies ni Robredo.