Facebook sinuspinde ang account ng tagapagsalita ni BBM na si Atty. Vic Rodriguez
Suspendido ang Facebook account ni Atty. Vic Rodriguez na tagapagsalita at chief of staff ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Sa screenshot na ibinahagi ni Rodriguez sa mga mamamahayag nakasaad na ang suspensyon sa kaniyang FB account ay nagsimula kahapon, April 25.
Ayon sa Facebook, ang account ni Rodriguez o ang mga aktibidad sa nasabing account ay hindi nakasunod sa Community Standards.
Sinabi ni Rodriguez na sinuspinde ang kaniyang account dahil siya ay pro-BBM.
Itinuturing ni Rodriguez na censorship at panggigipit ang ginawa ng Facebook.
Agad naman itong iniapela ni Rodriguez at naibalik ang kaniyang account pasado alas 9:00 ng umaga ngayong Martes, April 26. (DDC)