Panawagan ng LTFRB sa mga bus operator, higpitan ang seguridad kasunod ng pagsabog ng IED sa pampasaherong bus sa Maguindanao
Kinondena ng Land Transportation Franchising ang Regulatory Board (LTFRB) ang nangyaring pagpapasabog sa isang pampasaherong bus sa Parang, Maguindanao Linggo (Apr. 24) ng umaga.
Ayon sa LTFRB, patungo ng Pagadian City ang pampasaherong bus sakay ang 23 pasahero nang sumabog ang isang Improvised Explosive Device (IED) sa likurang bahagi ng sasakyan.
Base sa kuha ng CCTV, may nakitang isang lalaki na bumaba ng bus bago mangyari ang pagsabog.
Sa pahayag sinabi ng LTFRB na nakalulungkot ang nangyaring insidente lalo na’t naganap ito sa loob ng isang pampasaherong bus.
Nanawagan ang ahensya sa publiko na dumulog sa mga otoridad kung may impormasyon tungkol sa suspek.
Samantala, nanawagan din ang ahensya sa mga bus operators at ng mga land transport terminal na higpitan ang kanilang seguridad at laging makipag-ugnayan sa mga alagad ng batas. (DDC)