Tahasang pagbabaklas ng campaign posters sa Montalban inalmahan ng netizens
Umalma ang mga netizen sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal sa talamak na pagbabaklas sa campaign materials ng mga kandidato.
Sa post sa Facebook ng netizen na si Rommel Roxas, pinuna nito ang aniya ay “maduming galawan” ng mga kalaban.
Binanggit ni Roxas ang tahasang pagbabaklas sa campaign poster ni Dra. Carmela Javier na dating Municipal Health Office chief ng Montalban.
Sa kaniyang post wala namang binanggit si Roxas na partido o grupo na nasa likod ng pagbabaklas ng campaign materials.
Pero si Javier ay nauna nang inalis sa puwesto ng Montalban LGU bilang MHO chief sa kabila ng maayos nitong pamamalakad at maayos na pagtugon simula nang magkaroon ng pandemya ng COVID-19.
“Kung sino man kayo na pasimuno sa pagtatanggal ng mga tarpaulin ni Doc Javier, sana masarap ang ulam niyo! Sana kumakain kayo ng hindi galing sa pananalbahe ng iba! ANG DUMI DUMI NIYO!” ayon sa post ni Roxas.
Sa post naman ng isa pang netizen, sinabi nitong kahit alisin ng alisin ang campaign posters ni Javier ay alam ng mga taga-Montalban kung sino ang talagang nagtatrabaho at may nagawa para sa mga tao.
“Ipaalis nyo nang ipaalis, pero hindi na mawawala sa isip at puso ng mga Montalbeño kung sino talaga ang higit na nagtatrabaho, may nagagawa para sa mga tao mula pa noong maging Municipal Health Head ng Montalban. May kalidad na public servant. Inuuna ang kapakanan ng mga tao lalo na ang mga walang wala. EH KAYO?? MATALINONG MONTALBEÑO, panahon na para tayo namang mga taga Montalban ang hangaan ng ibang bayan. Kakasuka na yung mga wala namang ambag sa lipunan,” ayon sa isang netizen.
Ayon sa isa pang netizen na si Jason, “‘Dun tayo sa nagtatrabaho hindi puro papogi at pa-cute wala naman mga ambag”! (BDV)