Quezon Governor at kaniyang pamilya, inakusahang ginagamit sa pulitika ang TUPAD program ng DOLE

Quezon Governor at kaniyang pamilya, inakusahang ginagamit sa pulitika ang TUPAD program ng DOLE

May panibagong kontrobersiya na kinahaharap ang pamilya ni Quezon Province Governor Danilo Suarez makaraang akusahan ito ng mismong mga benepisyaryo ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating Displaced Workers (TUPAD) ng pagsasamantala sa programa ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Si Suarez, ang kanyang maybahay na si Quezon 3rd District Rep. Aleta Suarez, anak na si Quezon 2nd District Rep. David “Jayjay” Suarez, manugang na si ALONA Partylist Rep. Ana Marie Villaraza- Suarez at anak na si Provincial Board Member Donaldo Suarez ay pawang tumatakbo para sa reelection.

Samantala, ang isa pang anak na si Danilo Suarez Jr. ay kumakandidatong mayor sa Unisan, Quezon na kanilang home town.

Base sa akusasyon, hindi nakikita sa Quezon ang tunay na halaga ng programa dahil napakaraming tao na isinama dito ang hindi kabilang sa sinasabing “displaced workers” at karamihan umano sa mga ito ay kaanak at kaibigan ng mga coordinators at Barangay Captains ng pamilya Suarez.

Ayon din sa ulat, sa halip na isagawa sa mga bayan-bayan ang pay- out sa mga TUPAD workers, ang mga ito anila ay iniipon sa Quezon Convention Center sa Lucena City at iba pang lugar para pakainin mula umaga hanggang hapon at pagkatapos ay ihahatid pabalik sa kanilang lugar.

May mga nagrereklamo ding inoobliga umano ang libu-libong TUPAD workers na makinig sa mga pagsasalita at pagtatalumpati ng lahat na mga kandidato ni Gov. Suarez bago isagawa ang actual na pay- out.

Ang pinakahuling pay- out na isinagawa ng mga Suarez ay noong Miyerkules Santo na dinaluhan ng mahigit 4,000 TUPAD workers kung saan tahasan umanong namulitika ang gobernador.

Ayon sa mga TUPAD workers na dumalo sa nasabing pagtitipon, makikita sa venue ang isang higanteng screen kung saan ipinakita ng gobernador ang mga detalye at ipinapaliwanag ang naganap na tangkang pagpatay sa kanyang political ally na si Infanta, Mayor Grace America noong Feb. 27 gayundin ang mahigit dalawang toneladang shabu na nahuli sa nasabing bayan makalipas ang isang linggo na ayon sa kanya ay gagamitin sanang campaign fund kung sakaling naging pera.

Sabi pa ng impormante ay hindi direktang ibinintang ng gobernador sa kanyang katunggali ang responsibilidad sa dalawang krimen subalit iyon umano ang ipinakikita ng body language nito.

Ayon sa mga nagrereklamo, malinaw anilang ginagamit ng pamilya Suarez sa pamumulitika ang TUPAD gayundin ang iba pang mga programa ng pamahalaang nasyunal tulad ng Assistance to Individuals In Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Bakit naman kailangan muna kaming makinig sa mga talumpati at pangangampanya ng mga kandidato bago maibigay sa amin ang aming mga sahod na amin namang pinagtrabahuhan. At bakit kailangan pang siraan muna sa aming harapan ang mga kalaban nilang kandidato”, pahayag ng isang TUPAD worker.

Ganito din umano ang ginagawa ng mga Suarez sa kanilang mga ginawang pagpapatawag sa libo- libong public school teachers na kanilang binigyan ng cash insentive pati na rin ang libo- libong kasapi ng iba’t- ibang sector tulad ng mga Barangay Health Workers na ang pondong ipinamimigay ay galing sa kaban ng lalawigan.

Matatandaan na kamakailan ay sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello na kanyang pinaiimbestigahan ang umano’y paggamit ng ilang pulitiko sa TUPAD program sa para sa kanilang pansariling interes. Maging ang National Bureau of Investigation (NBI) ay nagsagawa na rin ng sariling inbestigasyon sa napakaraming reklamong anomalya sa programa ng DOLE.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *