23 sugatan sa insidente ng pamamaril sa New York subway
Naglunsad ng malawakang manhunt operation ang mga otoridad sa New York laban sa isang suspek na naghagis ng smoke bomb at saka namaril sa New York subway.
Ayon sa New York police, umabot sa 23 katao ang nasugatan sa nasabing pag-atake na nangyari sa kasagsagan ng morning rush-hour.
Nangyari ang insidente sa underground station sa Sunset Park sa Brooklyn.
Sampu sa mga nasugatan ay nagtamo ng tama ng bala ng baril.
Ang iba naman ay nakalanghap ng usok mula sa smoke bomb, at nasugatan nang mag-panic ang mga pasahero.
Ayon kay New York Police Department (NYPD) Commissioner Keechant Sewell stable naman na ang kondisyon ng lahat ng sugatan.
Naglabas na ng 50,000 dollars na reward ang mga otoridad para sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng suspek. (DDC)