21 nasawi sa 78 insidente ng pagkalunod na naitala ng Coast Guard noong Semana Santa
Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 78 insidente ng pagkalunod noong Semana Santa.
Ang datos ayon sa PCG ay mula ika-02 hanggang ika-10 ng Abril 2023.
Sa mga insidenteng ito, 53 indibidwal ang nailigtas ng mga first responders, habang 21 naman ang binawian ng buhay.
Apat na biktima pa ang patuloy na hinahanap ng search and rescue (SAR) teams sa Antique, Camarines Sur, Leyte, at Catanduanes.
Pinakamaraming naitalang biktima ang insidente ng pagkalunod na naganap sa Barangay Dolo, San Jose, Camarines Sur noong Sabado de Gloria, ika-08 ng Abril 2023.
Umabot ito sa limang indibidwal.
Pinakamarami namang nasagip ang mga first responders sa insidente ng muntik na pagkalunod sa Barangay Sabang, Vinzons, Camarines Norte na naganap din noong Sabado de Gloria.
Umabot ito sa 27 indibidwal.
Samantala, naging ligtas at walang naitalang katulad na insidente ang mga Coast Guard Districts sa Northeastern Mindanao, Southwestern Mindanao, BARMM, Central Visayas, at Palawan. (DDC)