Mga empleyado ng MRT-3 sumailalim sa simulation exercise sa pagtugon sa crisis situation
Sa unang araw ng pagpapatupad ng Holy Week maintenance shutdown sa MRT-3, isinailalim sa pagsasanay ang mga empleyado nito sa pagresponde sa crisis situation.
Isinagawa ang pagsasanay ngayong Miyerkules Santo (April 13), kung saan inihalintulad ang insidente sa nangyari sa Tokyo noong Oktubre 2021 na may isang pasaherong armado ng patalim ang nanaksak ng mga kapwa pasahero at nanunog ng bagon.
Sa nasabing crisis simulation exercise, nakita kung paano nakipag-ugnayan ang mga security personnel ng MRT-3 sa medical responders mula sa Lifeline at Philippine Red Cross, gayundin sa Philippine National Police na siyang dumakip sa suspek.
Ang actual simulation exercise ay kasunod ng tabletop security exercises ng MRT-3 noong ika-7 ng Abril 2022 sa depot, sa pangunguna ng Safety Security Unit at pakikipag-ugnayan sa PNP QCPD at Taft, Bureau of Fire and Protection, Office for Transportation Security, at Philippine Coast Guard.
Ayon kay MRT-3 OIC-General Manager at Director for Operations Michael J. Capati, ang gawain ay mahalaga upang masanay ang kahandaan at kakayahan ng mga stations personnel, emergency commander, at medics ng MRT-3 na rumisponde sa krisis.
Nagbigay rin ng assessment points matapos ang simulation exercise ang mga nakibahagi sa simulation exercise na mula sa PNP QCPD at Philippine Red Cross. (DDC)