Service Contracting Program muling ipatutupad ng LTFRB
Muling ilulunsad ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Service Contracting Program Phase 3.
Sisimula ito sa sa Lunes April 11, 2022 na layong matulungan ang mga operator, driver, at commuter na patuloy na naapektuhan ang kita dahil sa pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ang programa ay pinondohan ng P7 billion sa ilalim ng General Appropriations Act 2022.
Sa ilalim ng Service Contracting Program ay maaaring pumili ang operator sa dalawang uri ng kontrata.
Una ay ang Gross Contract, kung saan ang mga kalahok sa programa ay bibigyan ng pagkakataon na kumita base sa bilang ng biyahe na kanilang itinakbo kada linggo, may sakay man sila o wala.
At ang ikalawa ay ang Net Contract, kung saan bukod sa kita mula sa kanilang pamamasada ay bibigyan sila ng pagkakataon na kumita base sa bilang ng biyahe na kanilang itinakbo kada linggo.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina nitong mga nakaraang linggo, para sa Gross Contract, ang dating P82.50 pesos na bayad per kilometro sa mga consolidated PUBs, Tourist Bus at Mini-Bus, ay itinaas sa P84.00.
Samantala, ang dating P52.50 na bayad per kilometro sa mga consolidated modern at traditional PUJs at UVEs ay itinaas sa P54.00.
Para naman sa Net Contract, ang dating P45.50 pesos na bayad per kilometro sa mga consolidated PUBs at Mini-Bus, ay itinaas sa P46.50.
Habang ang dating P27.00 na bayad per kilometro sa mga consolidated modern at traditional PUJs at UVEs, at Filcab ay itinaas sa P28.00.
Ang mga Healthcare Workers (HCW) at Authorized Persons Outside of Residence (APOR) ay muling seserbisyuhan sa pamamagitan ng Libreng Sakay.
Sa Lunes ay nakatakdang magsimula ang Libreng Sakay sa EDSA Busway, na pangungunahan ng 510 Public Utility Buses upang magbigay ng Libreng Sakay sa mga mananakay, habang inaasahan naman ang pagbubukas ng mga karagdagang ruta at pag-arangkada ng mga karagdagang Public Utility Vehicle (PUV) para sa Libreng Sakay sa buong bansa sa mga susunod na araw. (DDC)