Overseas Voting sa apat na Philippine posts, posibleng suspendihin
Posibleng suspendihin ng Comelec ang pagdaraos ng May 9 elections sa pitong bansa na nakasasakop sa apat na Philippine posts.
Sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo, may posibilidad na hindi magsagawa ng overseas voting sa mga post sa Baghdad sa Iraq; Tropoli na nakasasakop sa Algeria, Chad, Tunisia, at Libya; Afghanistan para sa Isalamabad; at Ukraine para sa Warsaw.
Ipinaliwanag ni Casquejo na siyang commissioner-in-charge for the Office for Overseas Voting, na posibleng suspendihin ang botohan sa Islamabad at Warsaw bunsod ng umiiral na repatriation.
Inaasahan din aniya na hindi magkaroon ng halalan sa Baghdad at Tripoli dahil wala silang overseas voting capabilities.
Inihayag ni Casquejo na maari rin pansamantalang suspendihin ang botohan sa Shanghai, China, makaraang ipatupad ang lockdown bunsod ng pagsipa ng COVID-19 cases.
Tiniyak naman ng poll commissioner na sa sandaling alisin na ang lockdown ay itutuloy ang botohan sa Shanghai na mayroong 1,600 registered voters.
Magsisimula ang overseas voting sa April 10 at tatagal ito hanggang sa mismong araw ng halalan sa Pilipinas sa May 9. (Infinite Radio Calbayog)