Deployment ng OFW sa Saudi Arabia nananatiling suspendido; kumakalat na advisory ng POEA, peke ayon sa DOLE
Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tutukuyin ang nasa likod ng pagkalat ng pekeng na inisyu umano ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at nagsasaad na lifted na ang suspensyon ng deployment ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kingdom of Saudi Arabia.
Ayon sa DOLE ang kumalat na pekeng dokumento na may titulong Advisory No. 69, series of 2022 at may petsang April 4, 2022, ay nagdulot ng kalituhan sa publiko at sa mga OFW na nais na makapagtrabaho sa saudi Arabia.
Sinabi ni Rolly Francia, director ng Information and Publication Service (IPS) ng DOLE, umiiral pa rin ang suspensyon sa pagpapadala ng mga OFW sa KSA.
Ani Francia, kinumpirma ni POEA Administrator Bernard Olalia na wala siyang nilalagdaang kahalintulad na abiso.
Nakikipag-ugnayan na sa mga otoridad ang DOLE ayon kay Francia para mahanap ang source ng bogus advisory. (DDC)