6 na pulis Caloocan sinibak sa puwesto matapos masangkot sa insidente ng robbery
Sinibak sa puwesto ng Philippine National Police ang anim na tauhan ng Caloocan City Police Station matapos masangkot sa insidente ng robbery noong March 27, 2022.
Inatasan ni PNP Chief General Dionardo Carlos ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente.
Ani Carlos, nakasailalim na sa restrictive custody at nadis-armahan na ang mga sumusunod na pulis:
PCpl Noel Espejo Sison, 33
PCpl Rommel Toribio, 29
PCpl Ryan Sammy Gomez Mateo, 32
PCpl Jake Barcenilla Rosima, 35
PCpl Mark Christian Abarca Cabanilla, 31
PCpl Daryl Calija Sablay, 29
Lahat sila ay nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Caloocan City Police Station.
Batay sa imbestigasyon, naglalakad ang biktimang si Eddie Acaso Yuson, 39 anyos patungo sa Barangay 117 para bumili ng pagkain nang lapitan siya ng isa sa mga pulis.
Sa CCTV footage, nakitang siniyasat ang mga perosnal na gamit ng biktima at makalipas ang ilang minuto, dumating ang isang puting pick-up truck lulan ang lima pang pulis.
Ayon sa biktima, kinuha ng mga pulis ang kaniyang pera na P14,000.
Bagaman nagpasya ang biktima na hindi na isulong ang reklamo sa mga pulis, sinabi ni Carlos na itutuloy ng PNP ang imbestigasyon sa pamamagitan ng kanilang Internal Affairs Service.
Inihahanda na ang reklamong grave misconduct at iba pang kaso laban sa anim na pulis. (DDC)