MMDA tiniyak ang pagsusulong ng kaso sa motoristang nanakit ng isang traffic enforcer sa Pasig City
Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bibigyan ng legal assistance ang traffic enforcer nito na sinaktan ng isang motoristang lumabag sa batas trapiko sa Pasig City noong April 1.
Ayon sa enforcer na nakilalang si Muslimin Hapi, pinara niya ang minamanehong sasakyan ng suspek na si Jeric Baylen dakong alas 7:00 ng gabi noong Biyernes sa bahagi ng Meralco Avenue, Kapitolyo, Pasig.
Ayon kay Hapi, inisyuhan niya ng ordinance violation receipt (OVR) si Baylen dahil sa reckless driving pero inatake siya nito.
Sinuntok umano ni Baylen ang enforcer sa kaniyang mukha dahilan para dalhin niya ito sa police station at ireklamo ng direct assault.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, bibigyan ng ahensya si Hapi ng legal assistance.
Tiniyak din nitong hindi ipagsasawalang-bahala ng MMDA ang ganitong uri ng road rage at pananakit sa kanilang mga tauhan na gumaganap lamang naman sa kanilang tungkulin. (DDC)