Mayor sa Quezon na nakaligtas sa pananambang, nagsampa ng kaso laban sa katunggali at limang iba pa
Maaring mauwi na sa wala ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) ng pulisya na nag-iimbestiga sa bigong pananambang kay Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America noong February 27, 2022.
Ito ay bunsod umano ng hindi pakikipagtulungan sa SITG ng alkalde at sa halip ay direktang nagsampa ng kaso laban sa kaniyang mga katunggali sa pulitika.
Magugunitang binuo ang SITG base sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos kay Calabarzon Police Director Brig. Gen. Antonio Yarra isang araw makalipas ang pananambang kay America.
Nasugatan sa nasabing pananambang si America habang ligtas naman ang dalawa nitong kasama.
Matapos magpagaling sa ospital, humarap sa media ang alkalde at sinabing sa pulitika ang nasa likod ng tangkang pagpatay sa kanya.
Ilang araw araw matapos makabalik sa trabaho sa munisipyo, sinampahan ni America ng kasong frustrated murder ang katunggali niyang si mayoral candidate Eriberto “Ebit” Escueta, incumbent Vice- Mayor Lord Arnel Ruanto, Bobby Vargas, Ronil Nolledo, Jorraffin Plantilla at Gilbert Pacio.
Batay sa sinumpaang salaysay, inakusahan ng alkalde sina Eacueta at Ruanto bilang mga mastermind sa pananambang sa kaniya.
Una rito, napag- alaman sa ilang police sources na sa pag- iimbestiga ng SITG, na binubuo ng iba’t- ibang police unit at pinamumunuan ni Quezon Police Director Col. Joel Villanueva, identified na ang ilang suspek sa pananambang kabilang na ang mismong gunman gayundin ang motibo ng mga ito.
Noong March 18, 2022 sinabi ni Carlos na mayroon nang apat na persons of interest sa pananambang kay America.
Base sa imbestigasyon ng SITG, lumalabas umanong hindi pulitika kundi quarry operation at sugal ang pangunahing ugat ng pananambang.
Sa naging panayaman kay Col. Villanueva, nabanggit din nitong ang isyu sa quarrying ang isa sa mga tinitignang motibo sa pananambang.
Hindi pa naisasampa ng SITG ang reklamo sa piskalya dahil tumanggi umanong magbigay ng kanyang salaysay si America.
Nanindigan din ang alkalde na politically motivated ang pananaambang sa kanya bagaman hindi ito ang lumalabas sa pagsisiyasat ng SITG.
Paniwala namang ng nakararami, maaring ginagamit lamang ang alkalde ni Quezon Governor Danilo Suarez upang sirain ang imahe ng kaniyang katunggali sa pulitika.
Ito ay sa dahilang sina Escueta at Ruanto ay kapartido at masugid na tagapagtaguyod ng kanyang katunggali sa walong bayan ng Northern Quezon na kinabibilangan ng 3 coastal towns at 5 island municipalities.
Dahil sa pagsasampa ng kaso ni America, posibleng mabalewala ang pagod, gastos at mahabang panahon na ginugol sa pag- imbestiga ng SITG na binubuo ng Infanta Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, Quezon Police Provincial Office, Regional Intelligence Division, Criminal Investigation and Detection Office, Highway Patrol Group, Quezon Maritime Police Office, Provincial Crime Laboratory Office at Quezon Provincial Mobile Force Company.