Bagong number coding scheme target maipatupad pagkatapos ng eleksyon
Target ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maipatupad ang bagong number coding scheme pagkatapos ng eleksyon.
Sa Laging Handa public briefing sinabi ni MMDA general manager Frisco San Juan na nagpapatuloy na ang konsultasyon ng MMDA sa iba pang ahensya ng gobyerno hinggil sa panukalang bagong number coding scheme.
Una rito, sinabi ng MMDA na mayroong dalawang opsyon para sa pagpapatupad ng expanded number coding scheme sa Metro Manila.
Bunsod ito ng pagtaas ng bilang ng mga sasakyan sa lansangan dahil sa pag-iral na ng Alert Level 1.
Sinabi ni San Juan na lahat ng opsyon ay dadaan pa sa masusing pag-aaral at serye ng konsultasyon.
Sa ngayon, patuloy na iiral ang 5pm to 8pm na number coding scheme mula Lunes hanggang Biyernes. (DDC)