Paggamit ng kantang “Dakila Ka, Bayani Ka” sa political video ni VP Robredo, kinondena ng DepEd
Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang paggamit sa kantang “Dakila Ka, Bayani Ka” sa isang political video nang walang permiso mula sa sumulat at mga gumanap sa music video.
Sa pahayag ng Office of the Undersecretary Administration (OUA) ng DepEd na bagaman inirerespeto ng kagawaran ang political choice ng mga medical personnel na nasa video ay nakadidismayang hindi man lamang muna humingi ng permiso bago ginamit ang kanta.
Paliwanag ng OUA, nakalaan ang kanta para sa COVID-19 frontliners, anuman ang kanilang kinabibilangan at sinusuportahang partido.
Ayon sa DepEd, ang Ang Dakila Ka, Bayani Ka ay nilikha ni Arnie Mendaros at inayos ni Albert Tamayo at awit na inialay sa COVID-19 frontliners na nagsakripisyo ng kanilang kaligtasan at matapang na tinupad ang kanilang tungkulin sa gitna ng krisis sa kalusugan.
Ang proyekto para sa pagbuo ng awit ay sa pangunguna ni DepEd Usec. Alain Pascua.
Sinabi ni Pascua na snakadidismaya na ang isang malumanay na kanta patungkol sa pagkabayani ay ginamit upang itaguyod ang mensaheng politikal ng isang partido.
Tiniyak naman ni Pascua na magsasagawa ng legal na aksyon sa kapabayaan ng production team na nasa likod ng political video.
Hinikayat ni Pascua ang publiko na huwag ibahagi ang nasabing video. (DDC)