ASG leader at 10 pang kasamahan, sumuko sa Basilan
Sumuko sa Joint Task Force (JTF) Basilan ang labingisang miyembro ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Lt. Gen. Alfredo Rosarrio, Jr., Commander ng Western Mindanao Command (WESMINCOM), sumuko si ASG sub-leader Abdullah Indanan alyas Guro at sampu pang miyembro ng ASG kay JTF Basilan Commander, Brig. Gen. Domingo Gobway sa Barangay Serongon, Hadji Mohammad Ajul, Basilan.
Ang pagsuko ay makaraan ang pagkasawi ni ASG sub-leader Radzmil Jannatul alyas Khubayb.
Nasawi si Radzmil Jannatul sa 15-minuto palitan ng putok sa Sumisip noong March 25.
Unang humingi ng tulong ang mga sumukong rebelde kay Hadji Samad ng MILF CCCH-GPH at iba pang MILF commanders sa lalawigan para makalapit sila sa militar.
Nakuha mula sa mga sumukong ASG members ang 11 high-powered firearms kabilang ang 6 na M16 rifles, 1 M1 Carbine, 2 M16A1 rifles, 1 M16 rifle na may M203 at 1 M4 rifle. (DDC)