Maitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa bababa sa 70 kada araw sa katapusan ng Abril
Malaki ang posibilidad na bababa pa sa 70 kada araw ang bilang ng new COVID-19 cases sa bansa pagsapit ng katapusan ng Abril.
Ayon sa Department of Health (DOH), ito ay kung ipagpapatuloy ng mga Pinoy ang pagtalima sa minimum public health standards.
Sa press briefing sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na ang ibang factors na nakatulong sa pagbaba ng daily number of cases ay ang kasalukuyang mobility patterns at vaccination rate.
Sa pagtaya ni Vergeire, pagsapit ng April 30, ang daily cases ay 70 hanggang 268 na lamang.
70 lang aniya ang maitatalang new cases kung ang lahat ay susunod sa minimum public health standards at ma-sustain ang bakunahan pati na ang mobility.
Ang minimum health standards ay tumutukoy sa pagsusuot ng face masks, madalas na paghuhugas ng kamay, tamang coughing etiquette, at social distancing.
Nagbabala naman ang health official na ang kabiguang sumunod sa health protocols ay maaring magresulta ng 670 na mga bagong kaso kada araw sa kaparehong time frame. (Infinite Radio Calbayog)