TINGNAN: Binondo-Intramuros Bridge bubuksan na sa susunod na buwan
Target nang mabuksan sa mga motorista ang bagong gawang Binondo-Intramuros Bridge sa Maynila.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH), Undersecretary at Build Build Build Chief Implementer Emil K. Sadain ang bagong tulay na tumatawid sa Pasig River at nagdudugtong sa Binondo at Intramuros ay maari nang mabuksan bago mag-Holy Week.
Sinabi ni DPWH Secretary Roger G. Mercado na nagsasagawa na lamang ng final finishing touches sa carriageway, ramps, at iba pang bahagi ng tulay.
Sinabi ni Mercado na sa sandaling mabuksan, inaasahang aabot sa 30,000 na sasakyan kada araw ang makikinabang sa two-way four-lane Bridge.
Mayroon din itong sidewalk para sa pedestrians at joggers na mayroong safety railings, gayundin ang marked lane para sa bikers.
Ang Binondo Intramuros Bridge at ang Estrella Pantaleon Bridge na nauna nang natapos noong nakaraang taon ay dalawang flagship infrastructure projects na pinondohan sa pamamagitan ng grant mula sa China.
Ang nasabing mga tulay ay bahagi ng Metro Manila Logistics Network Program na layong ma-decongest ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. (DDC)