Bilang ng newly-overhauled train cars na nai-deploy sa MRT-3, umakyat na sa 48
Umakyat na sa 48 ang bilang ng mga bagong overhaul na light rail vehicles (LRVs) o train cars na nai-deploy ng pamunuan ng MRT-3 sa mainline.
Ito ay matapos mai-deploy ang tatlo pang newly-overhauled train cars.
Mabilis, presko, at komportable ang biyahe ng mga pasahero sa newly-overhauled train cars o bagon ng MRT-3, na matagumpay na sumailalim sa masusing serye ng speed at quality checks bago patakbuhin.
Sa kasalukuyan, 24 na lamang sa 72 na bagon ng MRT-3 ang naka-schedule ma-overhaul ng maintenance provider ng linya.
Samantala, nananatiling nasa 100% ang passenger capacity ng mga tren, na may katumbas na 394 pasahero kada train car o 1,182 kada train set.
Upang mapanatiling ligtas ang biyahe ng mga pasahero, mahigpit na ipinatutupad ang COVID-19 health and safety protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal kumain, uminom, makipag-usap sa telepono, at magsalita sa loob ng mga tren.
Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield. (DDC)