Traffic enforcers at street sweepers ng MMDA bibigyan ng 30-minute “heat stroke break”
Dahil sa mainit nang panahon, simula sa April 1, 2022 ay papayagan na magkaroon ng 30 minutong “heat stroke break” ang mga street sweeper at traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa nilagdaang memorandum circular ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes, ipatutupad ang “heat stroke break” policy para maprotektahan ang kanilang mga tauhan sa heat exhaustion, heatstroke, at heat cramps.
Ang mga traffic enforcers na naka-duty ng 5:00am hanggang 1:00PM , papayagan silang mag-break ng 10:00AM to 10:30AM o kaya ay 10:30AM to 11:00AM.
Ang mga naka-duty naman ng 1:00PM to 9:00PM, ang kanilang break time ay mula 2:30PM to 3:00PM o kaya ay 3:00PM to 3:30PM.
Para naman sa mga street sweepers na naka-duty ng 6:00AM to 2:00PM, ang kanilang “heat stroke break” ay mula 11:00AM to 11:30AM o kaya ay 11:30AM hanggang 12:00NN.
Kung ang shift naman nila 7:00AM to 4:00PM ang kanilang break ay 12:00NN to 1:00PM.
Nakasaad sa memorandum na dapat ay salitan ang pag-avail sa heat stroke break para masigurong hindi mapaparalisa ang field operations.
Ayon kay Artes, sa ilalim ng polisiya, ang on-duty traffic enforcers at street sweepers ay papayagang umalis sa kanilang puwesto sa oras ng kanilang 30-minute break upang makapagpahinga.
Papayagan din silang mag-avail ng 15-minute break time sa mga panahon na ang heat index o “human discomfort index” sa Metro Manila ay aabot ng 40 degrees Celsius o higit pa.
Tatagal ang pag-iral ng heat stroke break hanggang May 31, 2022. (DDC)