P17M na halaga ng cocaine natagpuan sa karagatan ng Aparri, Cagayan
Natagpuang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Aparri, Cagayan ang tatlong bloke ng hinihinalang cocaine.
Ayon sa ulat ng Regional Maritime Unit 2 ng Philippine National Police (PNP), ang mga ilegal na droga ay nakita ng dalawang mangingisda at kalaunan ay dinala ito kay Brgy. Chairman Erwin Lobas ng Brgy. Sanja sa Aparri.
Sa isinagawang imbestigasyon ng PNP, aabot sa P17 million ang halaga ng mga natagpuang cocaine.
Sa isinagawang routine procedures ng PDEA2 K9 dogs, nakumpirmang cocaine nga ang mga natuklasang bloke.
Sa kuwento ng mga mangingisdang nakakita sa ilegal na droga, naglayag sila para mangisda nang makita ang palutang-lutang na bagay.
Selyado ito ng transparent plastics, at nakabalot ng tape.
Nai-turnover na sa Laboratory Section, na PDEA 2 sa Tuguegarao City, Cagayan ang mga kontrabando para sa laboratory examination.
Agad ding nagkasa ng follow-up operations ang mga tauhan ng Regional Maritime Unit 2 lulan ng High-Speed Tactical Watercraft upang matukoy kung mayroon pang kaparehong kontrabando sa mga kalapit na baybayin. (DDC)