Buwanang ayuda sa mga mahihirap itinaas sa P500 kada buwan
Iniutos ni Pangulong Rordrigo Duterte na itaas sa P500 mula sa P200 ang karagdagang buwanang ayuda sa mahihirap sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.
Ginawa ng pangulo ang direktiba makaraang batikusin ang karagdagang P200 kada buwan na alokasyon ng gobyerno sa mahihirap na pamilya na tinukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Umaasa naman si Pangulong Duterte na makatutulong ang ayuda at hindi sana aniya sayangin lang sa pagtaya sa E-sabong.
Aminado ang punong ehekutibo na hindi sapat ang P200 kaya inatasan niya si Finance Secretary Carlos Dominguez na maghanap ng pondo upang maitaas sa P500 ang cash aid.
Idinagdag pa ni Pangulong Duterte na sinabihan niya si Dominguez na gamitin ang lahat ng pera na available at hayaan ang susunod na administrasyon na harapin ang consequences ng pagbibigay ng karagdagang ayuda. (Infinite Radio Calbayog)