Walong suspek sa pagkawala ng mga sabungero tukoy na ng PNP-SITG
May walong suspek na ang Philippine National Police – Special Investigation Task Group (PNP-SITG) hinggil sa insidente ng pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año, limang obserbasyon ang nabuo ng mga imbestigador na may hawak sa kaso.
Sinabi ni Año na lahat ng mga nawawalang indibidwal ay huling namataan o nakita malapit sa mga cockpit arena na kanilang pinuntahan.
Halos lahat ng mga sasakyang huling nakitang ginamit o sinakyan ng mga nawawalang indibidwal ay natagpuang abandonado malapit sa lugar na kanilang tinitirhan.
Ayon kay Año lumitaw din sa imbestigasyon na hawak ng iisang administrator at operator ang mga cockpit arenas na nabanggit sa lahat ng kaso.
At lahat ng cockpit arenas na sinasabing huling pinuntahan ng nawawalang indibidwal ay walang functional or installed CCTV.
Sinabi rin ni Año na ang lumalabas na persons of interest sa nagawang imbestigasyon ng SITG ay
kabilang sa security o management staff ng mga cockpit arenas.
Nakapagsagawa na ng konsultasyon ang PNP sa NBI, at DOJ para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa pagkawala ng mga sabungero. (DDC)