TUCP humirit ng P470 na umento sa arawang sahod sa NCR

TUCP humirit ng P470 na umento sa arawang sahod sa NCR

Umapela ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng P470 na umento sa minimum na arawang sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Sakaling mapagbigyan, magiging P1,007 ang daily minimum wage sa Metro Manila.

Inihain ng TUCP ang kanilang wage hike petition sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board – NCR office na naka-base sa Maynila.

Tinukoy ng labor group na mga dahilan ng kanilang apela ay kagutuman, malnutrisyon, at ang pagsirit ng presyo ng langis at iba pang mga pangunahing bilihin.

Sinabi ni TUCP President Raymond Mendoza na malinaw na mula sa low-income na kategorya ay nalaglag sa newly poor ang mga minimum wage earner at kanilang pamilya.

Ito aniya ang malungkot na katotohanan na ang mga nagbabanat ng buto para lumakas ang ekonomiya ang siyang nagdurusa sa kahirapan.

Ayon sa National Wages and Productivity Commission ng Department of Labor and Employment, ang daily minimum wage sa NCR ay naglalaro sa P500 hanggang P537.

Ipinunto ng TUCP na ang kasalukuyang monthly take-home pay na P12,843.48 ay masyadong malayo sa dapat ay buwanang sahod na P16,625.00 na poverty threshold para sa isang pamilya na may limang miyembro sa Metro Manila.

Una na ring inamin ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi na sapat ang minimum wage sa NCR bunsod ng lumulobong presyo ng mga pangunahing bilihin. (Infinite Radio Calbayog)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *