Fuel subsidy matatangap na ng mga tsuper ng jeep simula ngayong araw
Matatanggap na ng jeepney drivers ang kanilang fuel subsidy, simula ngayong araw ng Martes, March 15 ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Ang iba pang uri ng transportasyon, gaya ng tricycle ay kailangan pang maghintay hanggang second quarter ng taon bago nila matanggap ang subsidiya.
Ayon kay Joemier Pontawe ng DOTr, nasa 136,000 jeepney drivers ang inaasahang makatatanggap ng fuel subsidy sa pamamagitan ng kanilang Pantawid Pasada Cards.
Naglaan ang pamahalaan ng P2.5 billion para sa fuel vouchers ng 377,000 na qualified public utility vehicle drivers sa buong bansa, sa gitna ng pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Pontawe na sinimulang ihanda ng DOTr at ng Land Bank of the Philippines ang pagre-release ng subsidiya nitong weekend, subalit mga jeepney driver muna ang unang makatatanggap dahil mayroon na silang mga card.
Para sa ibang uri ng transportasyon, kinukuha nila ang mga bank information ng mga driver para mapabilis ang pag-release nila ng subsidiya.
Gagamit din aniya sila ng iba pang distribution mechanism upang mapabilis ang pamamahagi, partikular sa mga kumpanya na may malalaking fleet.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOTr sa Department of the Interior and Local Government, para sa subsidiya ng mga tricycle driver, at sa Department of Trade and Industry para naman sa mga service delivery driver. (Infinite Radio Calbayog)