2 biyahero galing Pilipinas nagpositibo sa COVID-19 pagdating ng New Zealand
Pawang galing ng Pilipinas ang dalawang bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa New Zealand.
Sa ulat ng New Zealand Health Ministry Office, ang isang pasyente ay nasa edad 20s mula Pilipinas at dumating sa nasabing bansa via Hong Kong.
Dinala na sa quarantine facility sa Auckland ang naturang lalaki matapos magpositibo sa COVID-19 sa ika-12 araw ng kaniyang isolation mula nang dumating sa New Zealand noong July 23.
Ang isa namang pasyente ay nasa edad 40s na babae na dumating sa New Zealand nong August 1.
Galing din ito ng Pilipinas at bumiyahe sa Hong Kong patungong New Zealand.
Isinailalim sa isolation sa Grand Millennium sa Auckland ang babae at nagpositibo sa COVID-19 sa ikatlong araw ng kaniyang isolation.
Hindi naman tinukoy sa pahayag ng health ministry office kung ano ang nationality ng dalawang pasyente.
Dahil sa dalawang bagong kaso ay umabot na sa 24 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa New Zealand.