Kaso ng ASF naitala sa Maasin City; 51 alagang baboy ang kinatay
Kinatay ang 51 mga alagang baboy sa Barangay Ibarra sa Maasin City makaraang ma-infect ang mga ito ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Dr. Rey Alunsub, city veterinarian, agad ding inilibing ang mga kinatay na baboy para maiwasan ang pagkalat pa ng virus.
Ito ang unang pagkakataon na may naitalang ASF sa Maasin City.
Ang 51 baboy na nagpositibo sa ASF ay pag-aari ng 14 na magbababoy sa barangay.
Bilang bahagi ng programa ng Department of Agriculture (DA) at ng lokal na pamahalaan ang mga apektadong hog raisers ay tatanggap ng tulong-pinansyal mula sa LGU.
Iniutos naman na ni Maasin City Mayor Naccional Mercado ang pagbuo ng ASF Task Force sa lungsod para masigurong hindi nakakalat pa ang sakit. (DDC)