Tatlong pulis sa Palo, Leyte inaresto dahil sa robbery, extortion at sexual harassment
Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring Enforcement Group (PNP-IMEG) ang tatlong pulis sa Palo, Leyte na nahaharap sa patung-patong na reklamo.
Dinakip sa ikinasang entrapment operation ang mga pulis na sina Police Senior Master Sergeant Alex Garciab Asis, Police Staff Sergeant Raffy Mendoza Retosar, at Police Corporal Jerwin Neopus Dacillo.
Ayon kay PNP chief, Gen. Dionardo Carlos, sangkot ang tatlong pulis sa pangingikil ng pera mula sa isang suspek na kanilang naaresto noong Oct. 2021.
May kinakaharap ding reklamong robbery at sexual harassment ang tatlo.
Sa isinagawang entrapment operation, nakumpiska sa mga suspek ang anim na piraso ng P1,000 bill, dalawang Glock 17 9mm pistol, dalawang magazine na may mga bala at apat na cell phones.
Nasa kostodiya na sila ng Criminal Investigation and Detection Group 8 sa Port Area, Tacloban City.
Nakatakda silang sampahan ng kasong kriminal at administratibo at maaring matanggal sa serbisyo.