Physical graduation rites posible nang maidaos sa pagtatapos ng School Year
Maari nang makapagdaos ng limited physical End-of-School-Year (EOSY) rites sa pagtatapos ng School Year 2021-2022.
Ayon sa Department of Education (DepEd), kakayanin na ng mga paaralan na makapagsagawa ng graduation rites ngayong taon.
Sinabi ni Education Secretary Leonor Magtolis Briones, na ang pagsasagawa ng nasabing aktibidad ay dedepende sa risk assessment sa mga rehiyon sa bansa.
Sa ngayon ay patuloy aniya ang pagbuti ng ng sitwasyon sa mga rehiyon dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19.
At kung magtuloy-tuloy ito, mataas ang tsansa na mapapayagan na ang face-to-face graduation.
Sa ngayon ani Briones naghahanda na ang Office of the Undersecretary for Curriculum and Instruction (OUCI) para makapaglatag ng guidelines.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado M. San Antonio, ang graduation ceremony ay hindi na magiging katulad ng dati bago magkaroon ng pandemic.
Ire-regulate aniya ang dami ng mga dadalo at magpapatupad ng social distancing. (DDC)