SSS branches nagpatupad na ng 100 percent capacity para matugunan ang pagdagsa ng mga miyembro
Magpapatupad na ng 100 percent operations ang lahat ng branches ng Social Security System (SSS) sa mga lugar sa bansa na nakasailalim sa Alert Level 1.
Ito ay para matugunan ang pagdasa ng mga miyembro na nais mag-asikaso sa mga branch ng SSS.
Kamakailan napaulat na dumagsa at nag-kampo na ang mga miyembro ng SSS sa main branch nito sa East Avenue sa Quezon City.
Ayon sa SSS ang nasabing mga miyembro ay na-accommodate naman na.
Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Aurora Ignacio, patuloy na imo-monitor ng SSS ang kanilang mga branch.
Pag-aaralan aniya ang sitwasyon at aalamin kung kailangan pang palawigin ang service hours ng SSS o kaya naman ay magbubukas sila kahit araw ng Sabado.
Kaugnay nito ay nanawagan ang SSS sa kanilang mga miyembro, claimants, at iba pang transacting public na gamitin ang online facilities gaya ng My.SSS at SSS Mobile App.
Maari ding gamitin ang appointment system sa My.SSS para makapili ng preferred date at oras sa pagpunta sa SSS branch.
Ang SSS ay mayroong 58 branches sa NCR, 135 branches sa Luzon, 44 branches sa Visayas, at 44 branches sa Mindanao. (DDC)