Commitment ng Pilipinas sa United Nations ukol sa paggiit ng soberanya ng estado dapat panindigan
Nagbabala si House Committee on National Defense Senior Vice Chairman Ruffy Biazon na hindi malabong maging biktima ng “territorial aggression” ang Pilipinas.
Ito ayon kay Biazon ay sa gitna na ng pananakop ng Russia sa Ukraine.
Kaugnay nito, iginiit ng kongresista na dapat manindigan ang bansa sa commitment nito sa United Nations tulad ng paggiit sa soberenya ng estado gayundin ang political independence at territorial integrity.
Paalala ng mambabatas, ang Pilipinas ay maaaring makakuha ng kaparehong tulong sakaling maging biktima ng panghihimasok o pananakop ng teritoryo.
Sinusuportahan din ni Biazon ang posisyon ng Pilipinas sa Russia-Ukraine crisis partikular ang panawagan na itigil na ang gyera at pangalagaan ang mga sibilyan at mga imprastraktura lalo na ang mga bahagi na may kinalaman sa kultura at kasaysayan ng Ukraine.
Ang hakbang aniyang ito ay hindi lamang para sa mga Ukranian kundi pati na rin sa sangkatauhan. (James Cruz)