Pag-atake sa mga forest ranger sa Rizal pinaiimbestigahan sa Kamara
Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang napaulat na pag-atake sa mga forest ranger ng Masungi Georeserve.
Sa House Resolution 2499 ng Makabayan Bloc hinihimok nito ang House Committee on Natural Resources na kondenahin at siyasatin ang mga naturang kaso “in aid of legislation.”
Kabilang sa binanggit sa resolusyon ay ang pamamaril sa dalawang forest rangers sa Masungi Georeserve sa Rizal noong July 2021.
Habang noong Feb. 18, 2022 lamang, nasa 7 na forest rangers na nakatalaga sa naturang watershed ang kinuyog ng 30 indibidwal. Ang isa sa mga sasakyan ng rangers ay binato pa, at dalawang forest rangers ang nasugatan at dinala sa ospital.
Nauna nang sinabi ng Masungi Georeserve na ang mga umatake ay may kaugnayan sa ilang illegal resorts sa Upper Marikina Watershed.
Batay sa resolusyon, ilang beses nang nakapagtatala ng mga kaso ng harassment at karahasan sa forest rangers, at masisisi umano rito ang kawalan ng kaukulang aksyon ang Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Bigo rin anila ang kagawaran na paalisin ang mga ilegal na occupant sa reforestation site, na kanilang trabaho base sa napagkasunduan nila ng Masungi Foundation noong 2017. (James Cruz)