Lider sa Kamara kinuwestyon ang pahayag ng SRA na walang pumalag sa importasyon ng asukal
Pumalag si House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa pahayag ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na walang nagreklamo sa mga stakeholders sa importasyon ng asukal.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, iginiit ni Zarate na may kasong inihain ang mga sugar producers sa Negros Occidental dahilan kaya naisyuhan ito ng korte ng “cease and desist order”.
Dahil dito, hindi aniya tamang sabihin ng SRA na walang nagreklamo sa kanilang plano na makakaapekto naman aniya sa mga magsasaka at mga manggagawang bukid.
Ipinakita naman ni SRA Administrator Hermenegildo Serafica na isa ang United Sugar Producer’s Federation of the Philippines (UNIFED) na nagrekomenda ng 150,000 metic tons na importasyon ng asukal.
Ang UNIFED ay kabilang sa mga sugar producers na naghain ng reklamo laban sa SRA.
Kinwestyon din ni Zarate kung bakit sobra sa 150,000 MT ang inirekomendang importasyon sa asukal.
Tugon naman dito ni Serafica, marami sa mga stakeholders ang nagmungkahi na 200,000 MT ang iangkat na asukal at ito ay ibinatay sa data para matiyak na ang buong milling season ay may sapat na buffer stock para sa food security ng bansa.
Naunang ibinabala ng SRA na kung wala ang importasyon ng asukal ay posibleng makulangan ng suplay ang bansa. (James Cruz)