Employers na tuluyang sisibakin ang mga Pinoy sa Hong Kong na nagpositibo sa COVID-19 irereklamo ng OWWA
Irereklamo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga employer sa Hong Kong na nag-terminate sa mga Pinoy na nagpositibo sa COVID-19.
Sa Laging Handa Public Briefing sinabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac na idudulog nila sa Hong Kong labor authority ang mga employer na magte-terminate sa mga Pinoy na nagpositibo sa COVID-19.
Sa ngayon naman ayon kay Cacdac base sa kanilang record ay isang employer lamang sa Hong Kong ang hindi pa makumbinsi na pabalikin ang empleyado nitong Pinoy.
Sa ilalim ng Hong Kong Law ang mga Pinoy na magpopositibo ay pwedeng mag-sick leave at pwedeng makabalik sa trabaho sa sandaling gumaling na.
Kung mayroon aniyang Hong Kong employers na tuluyang ite-terminate ang kanilang manggagawang Pinoy na nagpositibo sa COVID-19 ay iba-blacklist na sila ng pamahalaan.
Sa ngayon sinabi ni Cacdac na 76 nang OFW sa Hong kong ang nagpositibo sa sakit.
Karamihan sa kanila ay nasa isolation facility at walo lamang ang naka-admit sa ospital. (DDC)