Bagong Lucena Floating Restaurant pinasinayaan na
Pormal nang pinasinayaan at inagurahan ang Bagong Lucena Floating Restaurant na matatagpuan sa bahagi ng Barangay Cotta.
Isinagawa ang nasabing inagurasyon sa pangunguna ni Mayor Roderick Dondon Alcala at sa pamamagitan na rin ni City Tourism Officer Mr. Arween Flores.
Ito aniya ang kauna-unahang Floating Restaurant na bumabaybay sa ilog patungo sa barangay ng Cotta, Ransohan at Salinas.
Sa naturang inagurasyon pinasimulan ni Rev. Fr. Ramil Esplana ang pagbabasbas ng buong restaurant sa pamamagitan na rin ng naging tagapagpadaloy ng programa si Public Information Officer Mr. Arnel Avila at matapos ito, ay isinagawa na rin ang ribbon cutting na pinangunahan ng Punong Lungsod.
Dumalo rin naman bilang panauhin ang may bahay ng alkalde na si Mrs. Magie Alcala, panganay nitong anak na si Kuya Mark Alcala gayundin ang tatakbong congressman ng ikalawang distrito na si Proceso “Procy” Alcala at Aspiring 2nd district board member Willy Baldonado.
Ayon kay Mayor Alcala, sadya aniyang tunay na maipagmamalaki ang proyektong ito hindi lamang dito sa lungsod ng Lucena kundi maging sa iba pang mga bayan.
Naniniwala ang Punong Lugsod na makakatulong ito upang dumami ang mga turista na magpupunta sa lungsod na magbibigay ng oportunidad sa mga mamamayang Lucenahin na magkaroon ng pagkakakitaan.
Sinabi rin nito na hindi dapat naiiwan ang aspeto ng turismo sa lungsod dahil ito ang sentro ng komersyo sa lalawigan ng Quezon.
Samantala, mainit na pagbati naman ang ipinahatid ni Mayor Dondon Alcala kay City Tourism Mr. Arween Flores dahil naging matagumpay ang blessing at inauguration ng kauna-unahang Bagong Lucena Floating Restaurant. (Jay-Ar Narit)