11 pulis na sangkot sa pagpatay sa rent-a-car driver sa Albay inasunto na sa DOJ
Pormal nang inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang tatlong bilang ng kasong murder at iba pa, laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay sa 28-anyos na rent-a-car driver at dalawang iba pa sa Barangay Busac, Oas Albay.
Kasama si Mrs. Evelyn Samson Bautista, ina ng biktimang si Jose Maria Arvin Samson Bautista at naulilang ginang na Frances Louissie Bautista ay sinamahan sila ng NBI-Death Investigation Division sa paghahain ng mga kaso sa DOJ.
Kabilang sa mga sinampahan ng reklamong murder at planting of evidence ang mga sumusunod:
1. Hepe ng Oas Municipal Police Station na si Police Major Jerald John Villafuerte y Buned;
2. Police Major Ray Anthony Villanueva;
3. Police Captain Raul Racho y Requerque; 4.Police Liutenant Victor B.Borjal;
5. Police Staff Sergeant Mark Anthony Reblora;
6. Police Master Sergeant Nestor Salire Jr y Orosco;
7. Patrolman Geoffrey Avila y Vargas;
8. Police Staff Master Sergeant Romeo R.Raro Jr;
9. Police Chief Master Sergeant Marvin Boral y Reoveros;
10. Police Staff Sergeant Henry Ballon y Conor; at
11. Police Staff Sergeant Mark Jay Sevilla y Tugano.
Nabatid na si Bautista ay umalis sa Valenzuela City nuong July 19, 2021 bilang driver ng kulay silver na Suzuki Ertiga na may plate number NEK-1508 at ang paalam sa kanyang maybahay na si April ay may umarkila sa kanya patungo sa Quezon Province na one way trip lang dahil hindi na umano kasama pabalik sa Maynila ang dalawang pasaherong sina Ramon Mutuc Jr. at Gregorio Garcia.
Kinabukasan, July 20 ay nakatanggap ng tawag sa cellphone si Mrs.Evelyn mula sa nagpakilalang pulis ng Oas Albay at sinabing kasama ang kanyang anak sa napatay sa umano’y shootout.
Batay sa 211 pahinang complaint affidavit na inihain ng NBI sa DOJ ay nakasaad na lumitaw sa kanilang imbestigasyon at nakalap na mga ebidensya na hindi shootout ang nangyari dahil negatibo sa powder burns o sa paraffin test ang tatlong biktima na ibig sabihin ay hindi sila nagpaputok ng baril at itinanim lang ang mga baril na nakuha sa crime scene.
Wala ding tama ng mga bala ang salamin at pintuan ng sasakyan, binaril na tila nakaluhod ang mga biktima dahil pababa ang trajectory o direksyon ng mga bala; at iba pang mga ebidensya na taliwas sa sinasabi ng Oas Albay PNP, bukod pa sa lumitaw din sa re-autopsy ng NBI na may mga sugat sa kamay (wrist) si Bautista na palatandaang iginapos o ipinosas ito.
Batay sa Facebook page ng Oas Albay PNP ay narekober sa lugar ang 350 grams ng hinihinalang shabu at walang nakasulat duon na may nakumpiskang mga baril, pero sa kanilang accomplishent report ay biglang nagbago at may nakasaad na may nakuha na silang isang colt .45 caliber at dalawang .38 caliber na kinontra naman ng NBI dahil lumitaw sa kanilang imbestigasyon na planted ang lahat ng mga ebidensya. (DDC)